<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar/2478725266556423944?origin\x3dhttp://jepoi.blogspot.com', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe" }); } }); </script>

What's the matter, peanut butter?

Recettes recentes:
My Puzzled Mind
My Happy Days Reruns
My Graduation
My Troubles
My Role Play
My Tagalog Speaking Action Heroes
My Vocabulary
My Coffee and Tv
My Friday
My Empire

Archives:

Liens Electronique:
Jepoi's Multiply
Peyups: the UP Online Community
IMDB
Wiki
Pisay Neuf Neuf

Le Blogs:
Jed
Soeur Mimi and Frere Karl
Frere Dan
Ragin-Cajun

La Cuisine de Jepoi
Ang Aking Buhay Pisay
Sunday, April 29, 2007

Noong nagpapakilala ako sa mga kaklase ko sa mga kursong GE noong ikalawang semestre sa unang taon ko sa Pamantasan, ang karaniwang katanungan ay kung saan ba ako nagtapos ng hayskul. Ang karaniwang sagot naming magkakabarkada ay MPPA. At kung may mga kaklase ako na kapareho ko ng lalawigan na pinangalingan, ang tugon ko ay nagtapos ako sa Lungsod Quezon, sa isang paaralan doon.

Umalis ako sa bahay sa edad na 12. Tumira sa dormitoryo sa loob ng aking paaralan. Ito ang yugto ng aking buhay kung saan natuto akong mabuhay mag-isa. Hindi naman ako katulad ng ilan sa aking mga kaklase na nilalabhan ang kanilang mga damit, dahil pinapauwi ko pa rin ito sa bahay. Pero dumating din ang panahon na kailangan ko itong gawin dahil hindi naman laging nariyan ang mga magulang ko para gawin ito sa akin. Minsan ay lumalabas ng bansa ang ama ko at sa mga panahong iyon eh nilalabhan ko ang aking mga uniporme. May lugar sa aming dormitoryo kung saan pwedeng magpatuyo ng damit. Sa apat na taon ko sa Pisay ay hindi man lang ako lumipat ng tirahan, palipat-lipat lang ng kuwarto. Pagkain, pagkatapos maligo at magbihis, pupunta na kami sa kantina o kung tawagin namin ay Caf, pipila kami dala-dala ang aming meal card para makakuha ng almusal. Ganoon ulit ang nangyayari sa tanghalian at hapunan. Maswerte rin ako noon at ilan sa mga kaklase ko sa unang taon ay kapit-kwarto ko lang. Pero marami rin ako naging kabarkada na magiging kapatid ko sa mga susunod na panahon. May ilan na naging kapareho ko ng kurso sa kolehiyo. May mga kababaihan na aking hinangaan. Wala akong inibig hehe. Baka biglang may humirit diyan uunahan ko na kayo.

Masasabi ko na mahirap talaga mag-aral sa paaralan namin, hindi biro ang mga kurso sa agham at sipnayan. Namulat din ako sa literatura noong panahong iyon at nakahiligan ko ang pagbabasa. Ilan sa mga likhang ipinabasa sa amin ay gawa nina John Steinbeck, Jose Rizal, Thomas Mallory, Nick Joaquin at iba pa. Dito sa pisay ay natuto akong makipagkaibigan sa iba't ibang uri ng tao, marami sa amin ang may kaya sa buhay, mayroon hindi ganoon kapalad pero kinilala namin ang isa't isa na pantay-pantay.

Apat na taon, nahubog ang aking kamalayan at wala akong bakas ng pagsisisi. Wala na sa akin kung tumagal man ako ng pitong taon sa UP. Sinabi sa akin ng mga magulang ko minsan, kung di nila ako pinag-aral dun eh baka mas maaga akong nakapagtapos, malamang tama sila, malamang hindi. Sa tinagal-tagal ko sa Pisay nalaman ko kung paano kumilos na wala ang mga magulang ko. Oo nandoon na ako na binibigyan pa rin nila ako ng sustento, pero ang pag-aaral ko sa Pisay ay naging paraan upang hindi na ako mahirapan sa pagharap ko sa mga dumaan na pagsubok sa buhay ko.

Natuto akong sumakay ng bus pauwi ng probinsya. Natuto akong maglakad ng mga papeles. Dito ko naranasan pumila, at ang kahalagahan ng pagiging maaga. Pangit ang mga librong makukuha mo kapag nahuli ka sa pagkuha ng aklat. Maliban sa mga aral na natutunan ko sa loob ng silid-aralan, katambal nito ang mga aral sa buhay.

Masaya sa Pisay. Mahirap sa simula, mahirap din ang pag-alis.Natutuwa ako at nagpapasalamat pa rin na kahit ilang taon na ang nagdaan eh kaibigan ko pa rin ang mga unang kaklase ko. Kaibigan ko pa rin hanggang ngayon ang mga kasama ko sa dormitoryo. Mapalad pa rin ako. Ilan sa kanila, katulad ko ngayon nasa ibang bansa. Karamihan nasa Pilipinas, saludo ako sa kanila. May mga mangagamot, ang isa ay nagpupunta pa sa mga pook nasa kasuluk-sulukan ng bansa. Ang ilan ay nagsimula na ng kanilang mga pamilya, mga nanay at tatay na. Ang ilan ay ikakasal naman sa mga susunod na araw. Natutuwa ako para sa inyo. Isipin niyo na lang halos labindalawang taon na tayo simula ng tayo magsama. Sana magkasamasama ulit tayo sa darating na panahon. Sabay sabay tayo sa pagtupad ng ating pangarap.

Sabi nga ng awit:
Liwanag mo'y tanglaw
Sa amin ay gabay, sa landas ng buhay
Sa dakilang minimithi


posted at 9:39 AM
|

Blag Board: